Sabado, Disyembre 31, 2011

Ang Pinakanakakainis Na Karanasan Ko Ngayong Pasko.

Ngayon ay huling araw ng taong 2011 sa buwan ng Disyembre. Syempre, dito sa aming lugar talagang ramdam mo na ang simoy ng Bagong Taon. Kanina pang umaga nagkakasiyahan ang mga tao dito. Mga maiingay na videoke na nirentahan lang mga nagkakantahan dito na malapit din sa amin. Sa totoo lang, paggising na paggising ko mga nakakarinding tinig na sana ay hindi magpagalit sa kalangitan ang bumungad sa aking umaga. Wala akong karapatang mainis. Pasado alas-diyes na ng umaga kasi.

Siyempre pa, wala ng pinakamapalad sa araw na ito kundi ang mga may-ari ng maliliit na tindahan dito sa aming lugar. Subdivision kasi ito. Natural lang naman na marami ang magtinda-tinda dito. Karagdagang hanap-buhay na rin. Naging napakapalad ng mga may-ari ng tindahan gayundin ang kanilang mga tindahan dahil sa dagsang pamimili ng mga tao dito ng alak, sigarilyo, mga produkto na gagamitin sa inaabangang Media Noche, pan-regalo at ang mga load ma lalong mabili para mabati ang mga kaanak at kamag-anakan na hindi kapiling ng ilan dito. Hindi na bababa sa mahigit sa Php 3000 ang magiging benta mo sa isang gabi lang kung ikaw ay may tindahan. Medyo nakakainis lang dahil hindi na kami nakakapagtinda ngayon. Hindi na binalak ng nanay ko na magbukas ng tindahan dahil ayaw daw niya na natutulog lang ang pera niya sa isang negosyo na alam naman niyang hindi maibabalik ng higit pa sa inaasahan o kahit buo man lang ang kanyang puhunan. Isa pa, ayaw niyang panghabang buhay na nakakulong sa tindahan. Mas gusto pa niya ang maglakwatsa at mamasyal sa aming mga kamag-anak sa Maynila at karatig na lugar.

Sa totoo lang mababaw na bagay lang naman ang kinaiinisan ko. Mga maliliit na bagay lang na hindi nagtatagal ng maghapon. Likas kasi akong masayahin. Ngunit minsan, ay mapagtanim ako ng galit sa mga taong napakalaki ang ginawang pagkakasala sa akin. Isa sa mga pinakakinaiisan ko ngayong panahon ng kapaskuhan ay yung pagka-antala ng naging sweldo ng aking nanay sa kanyang pagiging guro sa Maynila. Kaya ang resulta konti lang ang naging handa namin. Hindi tulad noong nakaraang taon na halos umapas ang mahabang mesa namin sa dami ng mga handa. Pero laking gulat namin, dahil sa kakaunting handa namin, nabusog kami. At mas malaki pa sa pakwan ang mga tiyan namin.

Bago pa ang nakatakdang Noche Buena, namili kami ng nanay ko sa Nesabel. Ito ay mahigit isang kilometro ang layo lamang mula sa aming bahay. Dahil ayaw na namin dumayo pa sa SM na nasa kahabaan ng kalye sa may Baliuag, nagpasya na lang kami na dito na lang sa Nesabel. Pero laking-gulat namin at talagang nakakainis, inabutan kasi namin ang napakaraming tao. Halos hindi na mahulugan ng karayom sa dami. Siksikan pa at napakainit. Kung nagkataong bagong ligo kami ng nanay ko, malamang paglabas namin ng gusaling iyon amoy anghit at amoy paktol na kami. Karamihan kasi sa mga namimili doon mukhang bagong bangon lang sa higaan at bakas pa sa mukha ang muta at natuyong laway. May nakita kasi akong ganoon na mamimili. Hehehe. Pero kahit ganon, pinagtiyagaan namin. Todo higpit kasi ang nanay ko sa pagba-budget nya para sa Noche Buena. Napakahaba pa ng pila para sa pagbabayad ng pinamili. Ultimo mga hagdan nagkaroon ng pila. Nakakainis lang dahil nagkaroon ako ng mnatinding hilo at pagkaliyong nararamdaman. Takot kasi ako sa matataas na lugar. Iyong hagdan kasi masyadong matarik. At hindi ko kakayaning pumila ng napakatagal sa may hagdan makpagbayad lang. Sa awa naman ng Diyos, nakatapos kami sa pamimili bandang 1:30 na ng hapon. Lagpas na sa tanghalian.

Noong ika-26 ng Disyembre, nagpunta kami ng nanay ko sa Maynila. Sa kanto pa lang ng Cruz Na Daan, alam naming mahihirapan kaming makasakay. Punong-puno kasi ang mga bus na sasakyan papuntang Maynila. Mabuti na lamang at dumaan kami sa Sampaloc at dinalaw ang aking tiyahin na pastora sa isang lokal na sangay ng CJOL sa Baliuag. Doon ay kumain muna kami ng palabok na mismong siya ang nagluto. Kasabay din noon ay inabot na rin niya ang magiging pamasahe namin paluwas. Pagkalabas namin ng kanyang bahay ay nahirapan pa rin kaming makasakay. Wala na kaming naging ibang paraan kundi ang sumakay sa istasyon ng Baliuag Bus sa Baliuag Loob o yung bayan mismo. Doon naranasan naming pumila ng mahaba makasakay lamang. Dagdag pa sa init ng aming ulo ang mga sumisingit. Mainit na ang aming mga ulo sinabayan pa ng mga sumisingit at mainit na panahon kahit hapon na. Sa wakas ay nakasakay naman kami at wala pang ikatlo ng hapon nakarating na kami sa aming destinasyon.

Sa bahay ng aking mga pinsang may maalwang buhay at malaki ang agwat ng edad sa akin kami nagtungo. Pinakain nya kami ng meryenda. At pinauwian pa kami ng tsokolate na maiinum na binili pa sa California, USA. Sa palagay ko, mahal yun. Hehehe. At sa palagay ko, tataba na naman ako ng husto. May pamaskong pera pa at pamasahe. Talagang sobrang ligaya ng lakwatsa namin.

Nagtungo naman kami sa Marikina kung saan nakita ko ang isang pares ng sapatos ng HIGANTE!!!! Pang-Guinness yata yun. Nakita ko rin ang ilog ng Marikina! Kahit nadisgrasya iyon noong bagyong Ondoy, humanga pa rin ako sa taglay na ganda nito. Nakakainis lang dahil marami kami naging bitbit noon. Lahat puro pauwi sa amin. Binisita namin sa Marikina ang tiyahin ko na matagal ko ng hindi nakita, si Auntie Paz. Napakalambing niya at napakahusay niyang tumugtog ng piano at keyboard. Nakakain pa ako at ng nanay ko noon ng handa nilang Dinuguan o Tinomis kung tawagin dito sa Bulacan. Nakita ko rin ang pinsan ko na si Manang Mae na hanggang sa edad niya na 54 ay wala pang asawa. Lahi namin sa aking nanay ay puro matatandang dalaga. Mukhang kapalaran ko ang mapabilang sa kanila. Wag naman sana!

Naging nakasaya ng araw na iyon para sa kin! Sana marami pang pasko ang magdaan na kasama ko sila! At kahit maramaing nakakainis na bagay ang bumungad sa kin, hindi pa rin matatawaran ang sayang idinulot ng Kaarawan Ni Kristo sa akin!!! Maligayang Bagong Taon!














Miyerkules, Disyembre 28, 2011

Ang Aking Karanasan Sa Loob Ng Eskwelahan

Mahigit dalwang taon na ang lumipas simula ng ako ay pumasok sa kasalukuyan kong eskwelahan. Ito ay noong taong 2009, ikalawang semestre. Sa aking pagkakatanda, sa taong din iyon dumaan sa napakaraming pagsubok ang buong bansa. Una na dito ang bagyong Ondoy na sumira sa libo-libong istruktura, negosyo, kabahayan, buhay at pangarap ng mga nakakarami. Kasunod ng dagok na iyon ay ang Maguindanao masaker na kung saan 58 ang kumpirmadong patay na at nabubulok na. Hindi ko makakalimutan ang mga pangyayaring yan sa taong natalakay ko. Pero wala itong kinalaman sa mga naging karanasan ko sa pagpasok ko sa Bulacan State University. Paano ko ba sisimulan? Sisimulan ko ba kung paanong hirap ang naranasan ko para lang makapasok? Hehe!

Sisimulan ko ang aking pagsasalaysay sa unang araw ng aking pagpasok. Napakainit. Para akong pumasok sa malalawak na disyerto ng Arabya. Napakaraming tao. Punong-puno ng mga estudyante. Ni wala pa akong kakilala noon. Bagong pasok lang kasi ako sa eskwelahang ito. Tawag ng mga sosyal sa mga ganung estudyanye ay "Neophyte."  Sa hindi ka-sosyalan ay  "transferee!" Hehehehe! At ang malala ni hindi ko alam ang mga silid kung saan ako papasok dahil hindi ko pa gaanong gamay at kabisado ang naturang lugar. Karamihan sa mga binigay na "subjects" sa akin ay nasa mga mababang antas. Tulad ng Algebra, Differential Calculus at iba na puro mga matematika. Naging madali lang sa akin ang mga "subjects" na binigay sa akin. Para lang kasi akong nagbabalik-tanaw sa mga kung ano ang natutuhan ko noong ako ay nasa dati kong eskwelahan pa. At hindi nga ako nagkamali, naging matataas ang mga grado ko. Bago ko makalimutan, "BSCE" ang "course" ko. Natural lang naman na ito ay tadtad ng matematika. Kaya ko naman kinuha ang mga ganung "subjects", ay dahil sa kulang ito bilang ng mga "unit", upang ito ay "ma-credit."

Bumilang pa ang mga taon, at ako ay nasa ikalimang antas na ng pag-aaral sa napili kong karera. Parang kailan lang ng ako ay lumipat. Malapit na ang "graduation" o yung nakatakdang panahon ng pagtatapos ng mga mag-aaral. At iyon ay sa huling araw ng buwan ng Marso. Sa malas, ay sa huling araw ng buwan ng Hulyo sa pagpapala ng Panginoon ako makakapagmartsa at makapagsusuot ng pinapangarap kong togang itim. Hehehe. Hindi pa kasi tapos ang laban ko para muling mapabuksan sa pamamagitang ng "tutorial class" ang "subject" na "COMP 212/211L." Pero alam kong sa pamamagitang ng matibay n paniniwala at pananampalataya sa Panginoon, alam kong maibibigay NIYA ang aking ninanais.

Hindi ko pa pala nasalaysay kung sino ang mga nakakasalamuha ko sa eskwelahang ito sa nakalipas n dalawang taon.Sa totoo lang, hindi ako gaanong nagkaroon ng masasabi kong mga barkada dito sa eskwelahang ito. Siguro ay dahil hinahanap ko ang mga naging kabarkada ko sa dati kong eskwelahan sa katauhan ng mga taong nakakasalamuha ko.At isa pa, mas pinagtuunan ko ng pansin ang pag-aaral ko sa pagnanais na makamtan ko ang aking diploma sa itinakdang panahon ng pagtatapos. Marami na akong naging mga kaklase sa ibat-ibang "section" na napuntahan ko. Halos lahat ng mga estudyante sa bawat "section" na pinupuntahan ko ay madali kong nakakapalagayan ko agad ng loob. Pagdating sa mga "groupings" ay hindi ako kailan man nahihirapan dahil agad-agad kinukuha nila ako para maging mga kasapi sa naturang grupo. Maliban lamang sa isang "section" na ito kung saan ako ay kabilang sa kasalukuyan. Ito ay ang "BSCE-5A."  Kakaiba kasi ang mga estudyante doon. Kakaiba rin ang kanilang mga pag-uugali. Halos lahat sa kanila hindi ko nakapalagayang loob. Parang mga plastik at my kanya-kanyang mundo. At kapag nakikisalamuha ang ilan sa kanila sa akin, hindi ko makita at mawari ang kanilang sinseridad at pagiging totoo sa iba lalo na sa mga bagong pasok. Pero hindi ito gaanong nakaapekto sa aking pag-aaral. Naniniwala kasi ako na panandalian ko lang naman sila makakasama. Sa mga naging guro ko, ay wala naman ako naging problema ni alalahanin dahil lahat sila ay madaling lapitan maliban lamang sa naging guro ko sa "Civil Engineering Department." Mahirap silang lapitan palibhasa nanggaling sila sa matataas na posisyon.

Sa pangkalahatan, masasabi ko na hindi ako nagsisisi sa naging paglipat ko dito. "Proud", pa nga ako dahil kinikilala ang eskwelahang ito ng mga kumpanyang mauunlad na dito sa bansa. Kamakailan lang ay nakilala ang BSU dahil sa apat na nakalahok o napabilang sa "Board Topnotchers" noong nakaraang "Civil Engineering Board Exam" noong buwan ng Nobyembre. "Proud" din ako dahil sa mga nagkakalakihang bagong gusali at istruktura na naitayo sa paaralan ito.

Ang pinakamagandang napatunayan ko sa paaralang ito ay maganda pala ang buong BSU lalong lalo na kung gabi.