Martes, Enero 3, 2012

Regalo ko.

Katatapos lang ng Pasko.  Gayundin ang Bagong Taon. Para sa akin ang nasabing dalawang pagdiriwang ang pinakamasaya para sa akin. Mas naging kaiga-igaya o meaningful ito noong nakatanggap akong isang regalo mula sa isang malapit na kamag-anak na lagi naming dinadalaw ng nanay ko tuwing holiday. Dahil sa ordinaryong pagkakabalot nito, iisipin mo na talagang ordinary lang ito. Mukhang pinagsawaan na.  Pero nagkamali ako. Ang akala ko na ordinaryong picture frame lang ay isa pa lang plake ng mensahe na hindi ko aakalaing mapapasaakin.

Narinig mo na siguro ang DESIDERATA. Madalas itong ipinaparinig ng istasyon ng radyo na  702 DZAS. Pero sa kakaibang tunog. Filipino version naman para maintindihan ng lahat. Ang napunta kasi sa akin ay tunog inggles. Ito mismo ang ineregalo sa akin. Para sa akin ito na ang pinakamagandang regaling natanggap ko. Malayong-malayo ang halaga nito sa mamahaling damit, gadgets o kaya naman alahas. Naglalaman kasi ito ng mensaheng alam kong mapapakinabangan ko hanggang sa aking pagtanda. Maipapasa ko pa ito kahit sa magiging apo ko sa talampakan. Hehehe.

Bawat saknong at taludtod ay tumatak sa akin. At lahat ay naging paborito ko. Dahil ako ay papunta na sa karerang aking piniling pagtagumpayan, ang bahaging ito ang napili kong palawakin at dili-dilihin.

“Keep interested in your own career, however humble; it is a real possession in the changing of fortunes of time. Exercise caution in your business affairs; for the world is full of trickery. But let this not blind you to what virtue there is. Many persons strive for high ideals, and everywhere life is full of heroism.”

Madalas ipayo ng mga beteranong actor o aktres sa mga nakakabata at baguhan na mahalin ang kanilang trabaho. “Love your craft and nurture it.” Iyon daw kasi ang pinakamahalagang sikreto para tumagal ang sinuman sa larangan ng pag-arte at entertainment. Sa madaling-sabi showbiz. Kung hindi mo gagawin iyon, matatapos at matatapos ang panahon mo na walang naipundar na karanasan at legacy sa lahat ng sumusubaybay sayo. Pero kabaligtaran sa mga nag-aaral ng kursong inhinyero. Kung wala kang katiting na pagmamahal sa karerang tatahakin mo, talagang magtatagal ka. Totoo nga dahil nangyari na sa akin ito.

Sa totoo lang, hindi ko gusto ang kumuha ng inhinyero. Pinilit lang ako ng nanay ko. Sabi niya kasi ito daw ang magpapayaman sa amin at ito rin ang paraan para makaalpas kami sa buhay na puro utang na lang. Iba kasi ang gusto ko. Gusto ko kasi ang maging doctor. Katunayan mahusay ako sa Biology noong high school. Kayang-kaya kong kabisaduhin ultimo baha-bahagi ng buto ng tao. Ngunit walang pantustos sa akin ang nanay. Napakahirap niyon para sa kanya lalo at mag-isa na lang siyang tumataguyod sa amin. Hindi na ako nagtaka ng sabihin ng nanay ko na halos buong sangkalahian niya ay nalilinya sa medisina. Doon ko yata nakuha ang pangarap kong iyon. Pero dahil doon kaya niya pinapili ako ng ganoong kurso. Wala pa daw kasing magiging civil engineer sa pamilya namin kundi ako lang.

Habang tumatagal ang pag-aaral ko sa kursong ito, natutuhan ko na itong mahalin. Yung engineering mathematics nagiging sisiw na lang sa akin. Madali lang naman pala kasi itong intindihin. Dapat kasi ensayado ka at kabisado mo lahat ng legal na paraan sa pagso-solve kung hindi maaga kang mamatay sa mathematics. At nakakatuwa dahil kahit paano may nakabisado ako. Yung engineering physics madali lang din matutunan. Makukuha mo lang iyon sa matinding pagbabasa ng mga libro at reviewer na rin. Yun na kasi ang pinaka-learning guide mo. Basta may reviewer ka, buhay ka. Siguradong hindi ka babagsak. Idadagdag mo na rin ang mga maliliit na formula books. Kaya naman naniniwala akong natutunang mahalin ang karerang walang pitak sa puso mo.

Madalas sinasabi ng tatay ko sa akin na wag basta-basta magtitiwala sa ibang tao. Marami daw kasing tao na manloloko ngayon. Mga manggagamit. Daig ang mga manananggal at aswang sa ganoong uri ng tao. Marami kasing mga tao na nabubuhay sa panlalamang ng kapwa. Sa pangloloko at panggagamit. Mga taong walang pagpapahalaga sa kapwa nila. Kung hindi daw ako magpapakatalino, madali lang akong magiging biktima nila. Ang sabi ko naman, mayroon akong instincts kung dehado ako sa tao hindi. Minsan nga isang tingin ko pa lang sa isang tao, alam ko na kung wala siyang kwenta o hindi. At kapag mayroon na akong ganoong kaalaman sa kanya, hindi na ako mag-aaksaya pa ng panahon at pagod para sa kanya. Madalas kasi ang pain ng mga taong ganito ang ugali ay yung husay nila sa pagsasalita. Kung hindi ka marunong making, iisipin mo mahusay ang pananaw at katwiran nila. Pero kung pinakinggan mo ito ng mga talino, malalaman mo rin na wala silang alam at nagpapanggap lang.

Sabi ng professor ko, “try not to become a man of success but rather try to become a man of value.” Hindi masamang abutin ang pangarap. Isa yan sa mga dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Pero walang halaga ang tagumpay kung wala naming dapat pag-alayan at pag-laanan. Wala ring halaga ang tagumpay kung nakuha lamang ito sa maruming paraan. Nagiging matamis ang bawat tagumpay kung pinaglaanan ito ng pawis, luha at dugo. Higit na mas mainam pa rin kung tayo ay taong may halaga at hindi puro tagumpay lang. Dapat alam din natin ang kahalagahan ng ating bawat sakripisyo. Sabi nga ng DIYOS, aanhin mo na makamtan ang mundo kung ang kaluluwa mo ay mapapariwara.” At sabi rin ng ilan, “fame and fortune is fleeting, so beware.” Mas mahalaga ang ating mabuting katwirang at paniniwala. Kahit saan man tayo magpunta, ito rin ang magtatanggol sa atin at hindi ang pera. Nilikha tayo ng DIYOS na may halaga kay wag nating isipin wala tayong halaga.

Marami akong natutunan sa mensahe ng DESIDERATA. At sana maisabuhay ko ang lahat ng nakasaad dito.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento