Martes, Enero 3, 2012

Magkabilaan ni Joey Ayala

“Ang katotohanan ay may dalawang mukha.
Ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba.”
Mahirap patunayan sa iba na ang iyong pinapaniwalaan ay katotohanan na kung saan makikinabang ang lahat. Ito ay dahil na rin sa magkakaiba nating karanasan sa buhay na nagdidikta sa atin kung dapat maniwala sa inaalok na katotohanan ng iba. Halimbawa, paano mo mapapatunayang ang DIYOS ay naroon lamang at handang magligtas sa mga taong handang magbigay ng tiwala sa Kanya kung ang tingin ng taong inaalok mo ng katotohanan ay hindi nakikita ang Diyos sa kabila ng mga karanasan at pangyayari sa buhay niya.  Isa pang dahilan ay ang pulu-pulutong ng mga saksi  natin. Ang mga tao ay gusto munang patunayan sa pamamagitan ng mata  ang alin mang katotohanan na ihahain at iaalok sa kanila kung nakikita nila ito sa buhay ng mismong nag-aalok sa kanila na paniwalaan ito. Kung mayroon bang positibong pagbabago o kaya naman magandang pangyayari  sa buhay nito.
“May puti, may itim.
May liwanag at dilim.
May pumapaibabaw at may sumasailalim.”
 Walang mang-aapi kung walang magpapaapi. Walang tao na gagawin kang anino kung ikaw mismo ay hindi magiging isang anino ng kahit na sino. Isang malaking pang-aapi sa sarili kung hahayaan mo lang na maging anino ka at didiktahan ng kahit na sino. Ayon sa aking paniniwala, sa Diyos lang dapat magpapailalim ang isang tao dahil Siya lang ang lumikha at nagmamay-ari ng buhay ng tao. At nararapat lamang na magpailalim ang tao sa Diyos ng buo nitong kababaang loob.
“Ang tubig ay sa apoy.
Ang lupa ay sa langit.
Ang araw ay sa gabi.
Ang lamig naman ay sa init.
Kapag nawala ang isa,
Ang isa ay di mababatid.
Ang malakas at mahina ay magkapatid.
Magkabilaan ang mundo.”
Iba-iba ang antas ng tao sa lipunan. Mayroong animo langit ang katayuan sa buhay, mayayaman at aristokrata. Mayroon naming mga sadsad naman sa lupa ang katayuan, mga anak-pawis na ang pagkain ay di sasapat sa isang pamilya. Iba-ibang personalidad din ng tao sa magkabilang panig ng mundo. Mayroong mga taong mala-tubig sa katahimikan at kahinahunan. Mga taong hindi palasalita at iniisip muna ang maging bunga ng kanilang sasabihin bago ibuka ang bibig. May mga tao naming likas na hindi mapagka-ingat sa kanilang sasabihin. Mga taong ginagawang libangan ang gumawa ng apoy at lumikha ng ng gulo sa pamamagitan ng kanilang salitang hindi maingat at nakakasakit ng damdamin ng kapwa. May mga taong malalamig. Mga taong sinukuan na ng pag-asa. Mga taong nanlamig sa Diyos. May mga taong likas na sa kanila ang pagiging mainit, masigla at masigasig. Mga taong punong-puno ng pag-asa sa buhay at mainit ang relasyon sa Diyos. Nabubuhay sa isang tao ang diwa ng kalakasan at kahinaan. Minsan kung saan ka mahina, doon ka nagiging malakas. At kung saan ka malakas doon ka naman nagsisimulang magmalaki sa kapwa at magpabaya.
“Ang hirap ng marami ay sagana ng iilan.
Ang nagpapakain, walang laman ang tiyan.
Ang nagpapanday ng gusali at lansangan,
Maputik ang daan tungo sa dampang tahanan.”
Ang mga magsasaka na dapat ay busog sa yaman ng kanilang ani ay karaniwang nasasalat dahil ang lahat ng halaga ng kanilang aning pinaghirapan ay pinangbabayad-utang lamang. Kapag nasasalanta ang pinagpawisang malawak na taniman, sila din ang nagiging kawawa at naiiwang lugmok. Masasabi ko rin na isang malaking tagumpay para sa mga nagtratrabaho sa bukirin ng Haciend Luisita sa lalawigan ng Tarlac na mayroon na silang sariling lupang sasakahin. Nagbunga rin ang kanilang matagal ng panahong pagtitiis at sakripisyo. Para sa akin, kahanga-hanga ang mga taong nakakagawa tulay at kalsada para mapabilis ang komersiyo at tumaas ang antas ng kaunlaran ng ating ekonomiya. Ngunit katulad ng sinabi ng dating trabahador na gumawa ng aming bahay na kung saan nagpagawa ang aking nasirang ama ng kongkretong bahay para sa mga alaga naming aso, “mabuti pa ang mga aso, ang bahay ay sementado at kongkreto.”
Mayroong mga taong nasa posisyon ang walang karapatang mamuno hindi dahil hindi sila karapat-dapat kundi sila ay naging alipin ng pagkaganid at kasakiman sa pera at kapangyarihan. Mas mainam pa ang buhay ng taong wala sa kapangyarihan para mamuno dahil nabubuhay sila ng malaya at panatag  ang isipan. May mga mangilan-ngilang tao na kahit wala na sa mundong ito, patuloy pa rin nabubuhay sa puso ng lahat dahil sa natatangi nitong ginawa para sa bayan na nag-iwan ng pitak sa puso ng lahat.
Masasabi natin na bulok na ang sistema ng lipunan. Dahil na rin sa kabi-kabilang mga gawain na hindi makatarungan para sa bayan. Ngunit kung iisipin, may nagawa na ba tayo bilang mamamayan na isulong ang dapat sana ay magandang adhikain? Wala pa. Mayroong mga iilan na nakikipaglaban para sa katarungan ng bayan. Ngunit dahil sa sila ay kakaunting boses lamang, hindi sila kadalasang pinakikinggan. At ang iba, walang pakialam. Dapat sana lahat ay magkaisa at magtulong-tulong. Hindi magkakaroon ng katuparan ang mga magagandang layunin kung walang pagkakaisa at pagtutulungan. Higit sa lahat, huwag nating isisi sa ating pamahalaan ang lahat ng kakulangan at paghihirap na ating naranasan. Minsan, tayo rin ang nagiging mitsa kung bakit tayo ay patuloy na lugmok dahil wala tayong positibong layunin para sa ikauunlad ng ating bayan. 

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento