Martes, Pebrero 21, 2012

MGA TANONG SA SYOTA KONG ENGINEER: ANO ANG BANAT KO?

Napakasarap talagang makinig ng musika habang nagtitipa sa keyboard ng mga tatahiing salita. Marami na kasing mga kanta na orihinal na binibigyan ng ibang bersyon ng mga ibang makabangong musikero sa panahong ito. At ang siste, ayon mas astigin at mas magandang pakinggan pa kaysa sa orihinal nitong lapat. Hindi ito nakakasawang pakinggan. Hindi katulad ng orihinal na bersyon nito, talagang magsasawa ka kahit dalawang beses mo pa lang ito napapakinggan. Buti na lang wala akong syota. Syota na makulit na magtatanong-tanong ng kung ano-ano na mas malamang hindi ko alam at hindi ko naman kontralado.

Oo nga, malapit na akong maging inhinyero. Ilang buwang na lang at ilang aberya na madali na lang ayusin, ayon at makapasusuot na ako ng maitim na toga. Ilang taon din akong nagtiis at nagdusa sa kursong ito. Pero ang tangi kong maipagmamalaki, may natutuhan ako. Marami akong natutuhan. Sabi ng mga taong madalas maimbitahan sa seminar na napupuntahan ko na maging guest speaker, ni wala pa ito sa katiting na maaari ko pang malaman kapag nakapasok na ako sa industriya at nag-aral pang muli ng pagkadalubhasa sa ispesyalidad na gusto kong tahakin. Ok lang. At least, sa kakarampot ng katiting na sinasabi nila na natutuhan ko, may natutuhan pa rin ako. At yun ang bottom line.

Sa totoo lang, wala pa naman akong naging syota na nagtanong sa akin na katulad ng pagtatanong ng makulit na babaeng to sa kanyang boyfriend na sa malas pa yata mukhang nakatapos lang dahil sa diskarte. Opo diskarte lang. Walang pagpapatulo ng luha, dugo at pawis. Walang pagsusunog ng kilay. Basta't may katropa na mataba ang utak, makaka-survive na. Ang tawag diyan diskarte. Oo diskarte nga. Kaya mas malamang, hindi masasagot ng hinayupak niyang boyfriend ang lahat ng mga tanong niya na may katuturan. Panghuli na dito ang walang pakialam.

Wala rin akong balak na magkasyota ng Engineer. Pero ninanais ko na makapangasawa ng napakayaman, napakabait, napakatalino, napakasinop, napakagwapo at higit sa lahat napakahusay ng inhinyero pag dumating na ang tamang panahon. hehehe

Kung itatanong mo sa akin kung para saan ang natutuhan ko sa pag-aaral ko ng kursong ito, isasagot ko sayo na para sa Diyos ito. Para kanino, sa Diyos pa rin. Bakit? Huwag mo nang alamin. Alam mo na ang sagot diyan. Gusto ko kasi na makapgpatayo para sa simbahan namin. Ayoko kasi na habambuhay lang na nangungupahan kami ng lugar para lang maidaraos ang natatanging pagdiriwang tuwing Linggo na para lamang sa Diyos.

Maraming isyu sa lipunan na kahit mga professor ko hindi alam ang tungkol diyan. Pero isa lang ang natitiyak ko. Kung bakit palpak ay dahil kulang sa pondo o di naman kaya lumulusot na lamang sa ibang ahensiya ng gobyerno para lamang makakuha ng building's permit kahit sa totoo lang hindi nararapat issue-han. Uso-usong lang talaga ang pamosong red tape. Malawakang panunuhol sa mga opisyales ng gobyerno sa ilalim ng malapad at mabigat nilang mesa. Kaya siguro bumibigat, dahil puno ng pera. Kaya hindi na ako magtataka kung ang mga ipinapatayong istruktura kadalasan palpak. Puro sistema na lang ng kapalpakan!!!!! O hindi naman kaya ang mga materyales na ginamit ay puro mga substandard, mag mababang klase ng materyales na hindi man lamang pumasa sa mga specifications na itinakda.

Kung itatanong mo naman sa akin ay kung bakit mas mataas pa ang sweldo ng inhinyerong Hapon sa akin gayong mas maabilidad ako na isang Pilipino kaysa sa kanya? Simple lang. Gamay na gamay ng mga Sakang ang karerang yan gamit ang kanilang sariling lenggwahe at hindi ang lenggwahe ng mga puting bwitre. Tayong mga Pilipino, ano ba gamit natin? Ano pa? E di English na kahit ang tindera sa palengke isinusuka ang lenggwaheng yan. Isa pang dahilan, marami silang makinarya. Ang makinarya lang kasi nating mga Pinoy, pala at bistay. Yung bistay, pinag-eksperimentuhan lang gawin ng mga no read no write. At ang panghuling dahilan ay ipinanganak, tinuruan, sinanay at pinag-aral silang mga sakang at singkit para maging amo. Amo na magpapatakbo ng kanilang negosyo, maliit man yan o malaki. E tayo? Pinag-aral tayo ng bayan para balang-araw maging empleyado. ALIPING SAGUIGUILIR. Utusan sa kumpanya at hindi pwedeng maging amo. Mahina kasi tayo. Mahina ang loob natin. Pagkaminsan, nakaka-trauma din ang matawag kang Indyo ng mga puting bwitre na nka-sotana noong unang panahon.


Sa totoo lang, hindi naman mahirap mahalin ang bayan. Masyado kasi itong mapaghanap ng wala. At sa malas, kailangan kunin pa ang kaluluwa mo ng malaman nila kung ano ba talaga ang halaga mo sa bayang ito. Aminado ako, hindi ko kayang ibigay ang buhay ko.Yun lang kasi ang natatangi para sa akin.

Bakit nga ba ako kumuha ng ganitong kurso? Simple lang. Maraming utang ang pamilya ko at dapat na kaming magbayad. 



THE END.

Martes, Enero 3, 2012

Random Thoughts

Tatlong buwan na lang at dalawang buwan pa ang nalalabi bago ko iwan ang mundo ng pagiging istudyante. Masarap at mahirap din. Masarap dahil marami kang makikilang iba-ibang klase ng tao. Mahirap katulad ng sitwasyon ko dalawa naging eskwelahan ko. Pakiramda ko masyadong over-qualified ang credentials ko. Wag lang sana Makita ang napakapangit na singko ko. Sabi nga ni Bob Ong, hindi daw ang grade mo sa TOR ang magdidikta ng kapalaran mo at kung ano ang makakaya mong gawin para umunlad ka. Kaya balewala ang singko sa akin. Baka nga mas marami ang uno ko eh kaysa sa singko.


******

Sa palagay ko bukas isa lang magiging klase ko. Filipino yun. Natutuwa ako sa naging guro ko dito. Marami siyang naibahagi na natutunan ko. Pero ang pinakamaganda sa lahat naging bukas ako sa lahat ng bagay. Salamat sa guro kong iyon.


******


Hinihiling ko na sana maging matagumpay ang ikalawang semester ng aking pag-aaral. Sana marami akong uno. At higit sa lahat sana makabawi pa ako sa mga pagsusulit na nawala sa akin. Hindi pa naman huli ang lahat eh.

Regalo ko.

Katatapos lang ng Pasko.  Gayundin ang Bagong Taon. Para sa akin ang nasabing dalawang pagdiriwang ang pinakamasaya para sa akin. Mas naging kaiga-igaya o meaningful ito noong nakatanggap akong isang regalo mula sa isang malapit na kamag-anak na lagi naming dinadalaw ng nanay ko tuwing holiday. Dahil sa ordinaryong pagkakabalot nito, iisipin mo na talagang ordinary lang ito. Mukhang pinagsawaan na.  Pero nagkamali ako. Ang akala ko na ordinaryong picture frame lang ay isa pa lang plake ng mensahe na hindi ko aakalaing mapapasaakin.

Narinig mo na siguro ang DESIDERATA. Madalas itong ipinaparinig ng istasyon ng radyo na  702 DZAS. Pero sa kakaibang tunog. Filipino version naman para maintindihan ng lahat. Ang napunta kasi sa akin ay tunog inggles. Ito mismo ang ineregalo sa akin. Para sa akin ito na ang pinakamagandang regaling natanggap ko. Malayong-malayo ang halaga nito sa mamahaling damit, gadgets o kaya naman alahas. Naglalaman kasi ito ng mensaheng alam kong mapapakinabangan ko hanggang sa aking pagtanda. Maipapasa ko pa ito kahit sa magiging apo ko sa talampakan. Hehehe.

Bawat saknong at taludtod ay tumatak sa akin. At lahat ay naging paborito ko. Dahil ako ay papunta na sa karerang aking piniling pagtagumpayan, ang bahaging ito ang napili kong palawakin at dili-dilihin.

“Keep interested in your own career, however humble; it is a real possession in the changing of fortunes of time. Exercise caution in your business affairs; for the world is full of trickery. But let this not blind you to what virtue there is. Many persons strive for high ideals, and everywhere life is full of heroism.”

Madalas ipayo ng mga beteranong actor o aktres sa mga nakakabata at baguhan na mahalin ang kanilang trabaho. “Love your craft and nurture it.” Iyon daw kasi ang pinakamahalagang sikreto para tumagal ang sinuman sa larangan ng pag-arte at entertainment. Sa madaling-sabi showbiz. Kung hindi mo gagawin iyon, matatapos at matatapos ang panahon mo na walang naipundar na karanasan at legacy sa lahat ng sumusubaybay sayo. Pero kabaligtaran sa mga nag-aaral ng kursong inhinyero. Kung wala kang katiting na pagmamahal sa karerang tatahakin mo, talagang magtatagal ka. Totoo nga dahil nangyari na sa akin ito.

Sa totoo lang, hindi ko gusto ang kumuha ng inhinyero. Pinilit lang ako ng nanay ko. Sabi niya kasi ito daw ang magpapayaman sa amin at ito rin ang paraan para makaalpas kami sa buhay na puro utang na lang. Iba kasi ang gusto ko. Gusto ko kasi ang maging doctor. Katunayan mahusay ako sa Biology noong high school. Kayang-kaya kong kabisaduhin ultimo baha-bahagi ng buto ng tao. Ngunit walang pantustos sa akin ang nanay. Napakahirap niyon para sa kanya lalo at mag-isa na lang siyang tumataguyod sa amin. Hindi na ako nagtaka ng sabihin ng nanay ko na halos buong sangkalahian niya ay nalilinya sa medisina. Doon ko yata nakuha ang pangarap kong iyon. Pero dahil doon kaya niya pinapili ako ng ganoong kurso. Wala pa daw kasing magiging civil engineer sa pamilya namin kundi ako lang.

Habang tumatagal ang pag-aaral ko sa kursong ito, natutuhan ko na itong mahalin. Yung engineering mathematics nagiging sisiw na lang sa akin. Madali lang naman pala kasi itong intindihin. Dapat kasi ensayado ka at kabisado mo lahat ng legal na paraan sa pagso-solve kung hindi maaga kang mamatay sa mathematics. At nakakatuwa dahil kahit paano may nakabisado ako. Yung engineering physics madali lang din matutunan. Makukuha mo lang iyon sa matinding pagbabasa ng mga libro at reviewer na rin. Yun na kasi ang pinaka-learning guide mo. Basta may reviewer ka, buhay ka. Siguradong hindi ka babagsak. Idadagdag mo na rin ang mga maliliit na formula books. Kaya naman naniniwala akong natutunang mahalin ang karerang walang pitak sa puso mo.

Madalas sinasabi ng tatay ko sa akin na wag basta-basta magtitiwala sa ibang tao. Marami daw kasing tao na manloloko ngayon. Mga manggagamit. Daig ang mga manananggal at aswang sa ganoong uri ng tao. Marami kasing mga tao na nabubuhay sa panlalamang ng kapwa. Sa pangloloko at panggagamit. Mga taong walang pagpapahalaga sa kapwa nila. Kung hindi daw ako magpapakatalino, madali lang akong magiging biktima nila. Ang sabi ko naman, mayroon akong instincts kung dehado ako sa tao hindi. Minsan nga isang tingin ko pa lang sa isang tao, alam ko na kung wala siyang kwenta o hindi. At kapag mayroon na akong ganoong kaalaman sa kanya, hindi na ako mag-aaksaya pa ng panahon at pagod para sa kanya. Madalas kasi ang pain ng mga taong ganito ang ugali ay yung husay nila sa pagsasalita. Kung hindi ka marunong making, iisipin mo mahusay ang pananaw at katwiran nila. Pero kung pinakinggan mo ito ng mga talino, malalaman mo rin na wala silang alam at nagpapanggap lang.

Sabi ng professor ko, “try not to become a man of success but rather try to become a man of value.” Hindi masamang abutin ang pangarap. Isa yan sa mga dahilan kung bakit tayo nabubuhay. Pero walang halaga ang tagumpay kung wala naming dapat pag-alayan at pag-laanan. Wala ring halaga ang tagumpay kung nakuha lamang ito sa maruming paraan. Nagiging matamis ang bawat tagumpay kung pinaglaanan ito ng pawis, luha at dugo. Higit na mas mainam pa rin kung tayo ay taong may halaga at hindi puro tagumpay lang. Dapat alam din natin ang kahalagahan ng ating bawat sakripisyo. Sabi nga ng DIYOS, aanhin mo na makamtan ang mundo kung ang kaluluwa mo ay mapapariwara.” At sabi rin ng ilan, “fame and fortune is fleeting, so beware.” Mas mahalaga ang ating mabuting katwirang at paniniwala. Kahit saan man tayo magpunta, ito rin ang magtatanggol sa atin at hindi ang pera. Nilikha tayo ng DIYOS na may halaga kay wag nating isipin wala tayong halaga.

Marami akong natutunan sa mensahe ng DESIDERATA. At sana maisabuhay ko ang lahat ng nakasaad dito.

Magkabilaan ni Joey Ayala

“Ang katotohanan ay may dalawang mukha.
Ang tama sa iyo ay mali sa tingin ng iba.”
Mahirap patunayan sa iba na ang iyong pinapaniwalaan ay katotohanan na kung saan makikinabang ang lahat. Ito ay dahil na rin sa magkakaiba nating karanasan sa buhay na nagdidikta sa atin kung dapat maniwala sa inaalok na katotohanan ng iba. Halimbawa, paano mo mapapatunayang ang DIYOS ay naroon lamang at handang magligtas sa mga taong handang magbigay ng tiwala sa Kanya kung ang tingin ng taong inaalok mo ng katotohanan ay hindi nakikita ang Diyos sa kabila ng mga karanasan at pangyayari sa buhay niya.  Isa pang dahilan ay ang pulu-pulutong ng mga saksi  natin. Ang mga tao ay gusto munang patunayan sa pamamagitan ng mata  ang alin mang katotohanan na ihahain at iaalok sa kanila kung nakikita nila ito sa buhay ng mismong nag-aalok sa kanila na paniwalaan ito. Kung mayroon bang positibong pagbabago o kaya naman magandang pangyayari  sa buhay nito.
“May puti, may itim.
May liwanag at dilim.
May pumapaibabaw at may sumasailalim.”
 Walang mang-aapi kung walang magpapaapi. Walang tao na gagawin kang anino kung ikaw mismo ay hindi magiging isang anino ng kahit na sino. Isang malaking pang-aapi sa sarili kung hahayaan mo lang na maging anino ka at didiktahan ng kahit na sino. Ayon sa aking paniniwala, sa Diyos lang dapat magpapailalim ang isang tao dahil Siya lang ang lumikha at nagmamay-ari ng buhay ng tao. At nararapat lamang na magpailalim ang tao sa Diyos ng buo nitong kababaang loob.
“Ang tubig ay sa apoy.
Ang lupa ay sa langit.
Ang araw ay sa gabi.
Ang lamig naman ay sa init.
Kapag nawala ang isa,
Ang isa ay di mababatid.
Ang malakas at mahina ay magkapatid.
Magkabilaan ang mundo.”
Iba-iba ang antas ng tao sa lipunan. Mayroong animo langit ang katayuan sa buhay, mayayaman at aristokrata. Mayroon naming mga sadsad naman sa lupa ang katayuan, mga anak-pawis na ang pagkain ay di sasapat sa isang pamilya. Iba-ibang personalidad din ng tao sa magkabilang panig ng mundo. Mayroong mga taong mala-tubig sa katahimikan at kahinahunan. Mga taong hindi palasalita at iniisip muna ang maging bunga ng kanilang sasabihin bago ibuka ang bibig. May mga tao naming likas na hindi mapagka-ingat sa kanilang sasabihin. Mga taong ginagawang libangan ang gumawa ng apoy at lumikha ng ng gulo sa pamamagitan ng kanilang salitang hindi maingat at nakakasakit ng damdamin ng kapwa. May mga taong malalamig. Mga taong sinukuan na ng pag-asa. Mga taong nanlamig sa Diyos. May mga taong likas na sa kanila ang pagiging mainit, masigla at masigasig. Mga taong punong-puno ng pag-asa sa buhay at mainit ang relasyon sa Diyos. Nabubuhay sa isang tao ang diwa ng kalakasan at kahinaan. Minsan kung saan ka mahina, doon ka nagiging malakas. At kung saan ka malakas doon ka naman nagsisimulang magmalaki sa kapwa at magpabaya.
“Ang hirap ng marami ay sagana ng iilan.
Ang nagpapakain, walang laman ang tiyan.
Ang nagpapanday ng gusali at lansangan,
Maputik ang daan tungo sa dampang tahanan.”
Ang mga magsasaka na dapat ay busog sa yaman ng kanilang ani ay karaniwang nasasalat dahil ang lahat ng halaga ng kanilang aning pinaghirapan ay pinangbabayad-utang lamang. Kapag nasasalanta ang pinagpawisang malawak na taniman, sila din ang nagiging kawawa at naiiwang lugmok. Masasabi ko rin na isang malaking tagumpay para sa mga nagtratrabaho sa bukirin ng Haciend Luisita sa lalawigan ng Tarlac na mayroon na silang sariling lupang sasakahin. Nagbunga rin ang kanilang matagal ng panahong pagtitiis at sakripisyo. Para sa akin, kahanga-hanga ang mga taong nakakagawa tulay at kalsada para mapabilis ang komersiyo at tumaas ang antas ng kaunlaran ng ating ekonomiya. Ngunit katulad ng sinabi ng dating trabahador na gumawa ng aming bahay na kung saan nagpagawa ang aking nasirang ama ng kongkretong bahay para sa mga alaga naming aso, “mabuti pa ang mga aso, ang bahay ay sementado at kongkreto.”
Mayroong mga taong nasa posisyon ang walang karapatang mamuno hindi dahil hindi sila karapat-dapat kundi sila ay naging alipin ng pagkaganid at kasakiman sa pera at kapangyarihan. Mas mainam pa ang buhay ng taong wala sa kapangyarihan para mamuno dahil nabubuhay sila ng malaya at panatag  ang isipan. May mga mangilan-ngilang tao na kahit wala na sa mundong ito, patuloy pa rin nabubuhay sa puso ng lahat dahil sa natatangi nitong ginawa para sa bayan na nag-iwan ng pitak sa puso ng lahat.
Masasabi natin na bulok na ang sistema ng lipunan. Dahil na rin sa kabi-kabilang mga gawain na hindi makatarungan para sa bayan. Ngunit kung iisipin, may nagawa na ba tayo bilang mamamayan na isulong ang dapat sana ay magandang adhikain? Wala pa. Mayroong mga iilan na nakikipaglaban para sa katarungan ng bayan. Ngunit dahil sa sila ay kakaunting boses lamang, hindi sila kadalasang pinakikinggan. At ang iba, walang pakialam. Dapat sana lahat ay magkaisa at magtulong-tulong. Hindi magkakaroon ng katuparan ang mga magagandang layunin kung walang pagkakaisa at pagtutulungan. Higit sa lahat, huwag nating isisi sa ating pamahalaan ang lahat ng kakulangan at paghihirap na ating naranasan. Minsan, tayo rin ang nagiging mitsa kung bakit tayo ay patuloy na lugmok dahil wala tayong positibong layunin para sa ikauunlad ng ating bayan. 

Sabado, Disyembre 31, 2011

Ang Pinakanakakainis Na Karanasan Ko Ngayong Pasko.

Ngayon ay huling araw ng taong 2011 sa buwan ng Disyembre. Syempre, dito sa aming lugar talagang ramdam mo na ang simoy ng Bagong Taon. Kanina pang umaga nagkakasiyahan ang mga tao dito. Mga maiingay na videoke na nirentahan lang mga nagkakantahan dito na malapit din sa amin. Sa totoo lang, paggising na paggising ko mga nakakarinding tinig na sana ay hindi magpagalit sa kalangitan ang bumungad sa aking umaga. Wala akong karapatang mainis. Pasado alas-diyes na ng umaga kasi.

Siyempre pa, wala ng pinakamapalad sa araw na ito kundi ang mga may-ari ng maliliit na tindahan dito sa aming lugar. Subdivision kasi ito. Natural lang naman na marami ang magtinda-tinda dito. Karagdagang hanap-buhay na rin. Naging napakapalad ng mga may-ari ng tindahan gayundin ang kanilang mga tindahan dahil sa dagsang pamimili ng mga tao dito ng alak, sigarilyo, mga produkto na gagamitin sa inaabangang Media Noche, pan-regalo at ang mga load ma lalong mabili para mabati ang mga kaanak at kamag-anakan na hindi kapiling ng ilan dito. Hindi na bababa sa mahigit sa Php 3000 ang magiging benta mo sa isang gabi lang kung ikaw ay may tindahan. Medyo nakakainis lang dahil hindi na kami nakakapagtinda ngayon. Hindi na binalak ng nanay ko na magbukas ng tindahan dahil ayaw daw niya na natutulog lang ang pera niya sa isang negosyo na alam naman niyang hindi maibabalik ng higit pa sa inaasahan o kahit buo man lang ang kanyang puhunan. Isa pa, ayaw niyang panghabang buhay na nakakulong sa tindahan. Mas gusto pa niya ang maglakwatsa at mamasyal sa aming mga kamag-anak sa Maynila at karatig na lugar.

Sa totoo lang mababaw na bagay lang naman ang kinaiinisan ko. Mga maliliit na bagay lang na hindi nagtatagal ng maghapon. Likas kasi akong masayahin. Ngunit minsan, ay mapagtanim ako ng galit sa mga taong napakalaki ang ginawang pagkakasala sa akin. Isa sa mga pinakakinaiisan ko ngayong panahon ng kapaskuhan ay yung pagka-antala ng naging sweldo ng aking nanay sa kanyang pagiging guro sa Maynila. Kaya ang resulta konti lang ang naging handa namin. Hindi tulad noong nakaraang taon na halos umapas ang mahabang mesa namin sa dami ng mga handa. Pero laking gulat namin, dahil sa kakaunting handa namin, nabusog kami. At mas malaki pa sa pakwan ang mga tiyan namin.

Bago pa ang nakatakdang Noche Buena, namili kami ng nanay ko sa Nesabel. Ito ay mahigit isang kilometro ang layo lamang mula sa aming bahay. Dahil ayaw na namin dumayo pa sa SM na nasa kahabaan ng kalye sa may Baliuag, nagpasya na lang kami na dito na lang sa Nesabel. Pero laking-gulat namin at talagang nakakainis, inabutan kasi namin ang napakaraming tao. Halos hindi na mahulugan ng karayom sa dami. Siksikan pa at napakainit. Kung nagkataong bagong ligo kami ng nanay ko, malamang paglabas namin ng gusaling iyon amoy anghit at amoy paktol na kami. Karamihan kasi sa mga namimili doon mukhang bagong bangon lang sa higaan at bakas pa sa mukha ang muta at natuyong laway. May nakita kasi akong ganoon na mamimili. Hehehe. Pero kahit ganon, pinagtiyagaan namin. Todo higpit kasi ang nanay ko sa pagba-budget nya para sa Noche Buena. Napakahaba pa ng pila para sa pagbabayad ng pinamili. Ultimo mga hagdan nagkaroon ng pila. Nakakainis lang dahil nagkaroon ako ng mnatinding hilo at pagkaliyong nararamdaman. Takot kasi ako sa matataas na lugar. Iyong hagdan kasi masyadong matarik. At hindi ko kakayaning pumila ng napakatagal sa may hagdan makpagbayad lang. Sa awa naman ng Diyos, nakatapos kami sa pamimili bandang 1:30 na ng hapon. Lagpas na sa tanghalian.

Noong ika-26 ng Disyembre, nagpunta kami ng nanay ko sa Maynila. Sa kanto pa lang ng Cruz Na Daan, alam naming mahihirapan kaming makasakay. Punong-puno kasi ang mga bus na sasakyan papuntang Maynila. Mabuti na lamang at dumaan kami sa Sampaloc at dinalaw ang aking tiyahin na pastora sa isang lokal na sangay ng CJOL sa Baliuag. Doon ay kumain muna kami ng palabok na mismong siya ang nagluto. Kasabay din noon ay inabot na rin niya ang magiging pamasahe namin paluwas. Pagkalabas namin ng kanyang bahay ay nahirapan pa rin kaming makasakay. Wala na kaming naging ibang paraan kundi ang sumakay sa istasyon ng Baliuag Bus sa Baliuag Loob o yung bayan mismo. Doon naranasan naming pumila ng mahaba makasakay lamang. Dagdag pa sa init ng aming ulo ang mga sumisingit. Mainit na ang aming mga ulo sinabayan pa ng mga sumisingit at mainit na panahon kahit hapon na. Sa wakas ay nakasakay naman kami at wala pang ikatlo ng hapon nakarating na kami sa aming destinasyon.

Sa bahay ng aking mga pinsang may maalwang buhay at malaki ang agwat ng edad sa akin kami nagtungo. Pinakain nya kami ng meryenda. At pinauwian pa kami ng tsokolate na maiinum na binili pa sa California, USA. Sa palagay ko, mahal yun. Hehehe. At sa palagay ko, tataba na naman ako ng husto. May pamaskong pera pa at pamasahe. Talagang sobrang ligaya ng lakwatsa namin.

Nagtungo naman kami sa Marikina kung saan nakita ko ang isang pares ng sapatos ng HIGANTE!!!! Pang-Guinness yata yun. Nakita ko rin ang ilog ng Marikina! Kahit nadisgrasya iyon noong bagyong Ondoy, humanga pa rin ako sa taglay na ganda nito. Nakakainis lang dahil marami kami naging bitbit noon. Lahat puro pauwi sa amin. Binisita namin sa Marikina ang tiyahin ko na matagal ko ng hindi nakita, si Auntie Paz. Napakalambing niya at napakahusay niyang tumugtog ng piano at keyboard. Nakakain pa ako at ng nanay ko noon ng handa nilang Dinuguan o Tinomis kung tawagin dito sa Bulacan. Nakita ko rin ang pinsan ko na si Manang Mae na hanggang sa edad niya na 54 ay wala pang asawa. Lahi namin sa aking nanay ay puro matatandang dalaga. Mukhang kapalaran ko ang mapabilang sa kanila. Wag naman sana!

Naging nakasaya ng araw na iyon para sa kin! Sana marami pang pasko ang magdaan na kasama ko sila! At kahit maramaing nakakainis na bagay ang bumungad sa kin, hindi pa rin matatawaran ang sayang idinulot ng Kaarawan Ni Kristo sa akin!!! Maligayang Bagong Taon!














Miyerkules, Disyembre 28, 2011

Ang Aking Karanasan Sa Loob Ng Eskwelahan

Mahigit dalwang taon na ang lumipas simula ng ako ay pumasok sa kasalukuyan kong eskwelahan. Ito ay noong taong 2009, ikalawang semestre. Sa aking pagkakatanda, sa taong din iyon dumaan sa napakaraming pagsubok ang buong bansa. Una na dito ang bagyong Ondoy na sumira sa libo-libong istruktura, negosyo, kabahayan, buhay at pangarap ng mga nakakarami. Kasunod ng dagok na iyon ay ang Maguindanao masaker na kung saan 58 ang kumpirmadong patay na at nabubulok na. Hindi ko makakalimutan ang mga pangyayaring yan sa taong natalakay ko. Pero wala itong kinalaman sa mga naging karanasan ko sa pagpasok ko sa Bulacan State University. Paano ko ba sisimulan? Sisimulan ko ba kung paanong hirap ang naranasan ko para lang makapasok? Hehe!

Sisimulan ko ang aking pagsasalaysay sa unang araw ng aking pagpasok. Napakainit. Para akong pumasok sa malalawak na disyerto ng Arabya. Napakaraming tao. Punong-puno ng mga estudyante. Ni wala pa akong kakilala noon. Bagong pasok lang kasi ako sa eskwelahang ito. Tawag ng mga sosyal sa mga ganung estudyanye ay "Neophyte."  Sa hindi ka-sosyalan ay  "transferee!" Hehehehe! At ang malala ni hindi ko alam ang mga silid kung saan ako papasok dahil hindi ko pa gaanong gamay at kabisado ang naturang lugar. Karamihan sa mga binigay na "subjects" sa akin ay nasa mga mababang antas. Tulad ng Algebra, Differential Calculus at iba na puro mga matematika. Naging madali lang sa akin ang mga "subjects" na binigay sa akin. Para lang kasi akong nagbabalik-tanaw sa mga kung ano ang natutuhan ko noong ako ay nasa dati kong eskwelahan pa. At hindi nga ako nagkamali, naging matataas ang mga grado ko. Bago ko makalimutan, "BSCE" ang "course" ko. Natural lang naman na ito ay tadtad ng matematika. Kaya ko naman kinuha ang mga ganung "subjects", ay dahil sa kulang ito bilang ng mga "unit", upang ito ay "ma-credit."

Bumilang pa ang mga taon, at ako ay nasa ikalimang antas na ng pag-aaral sa napili kong karera. Parang kailan lang ng ako ay lumipat. Malapit na ang "graduation" o yung nakatakdang panahon ng pagtatapos ng mga mag-aaral. At iyon ay sa huling araw ng buwan ng Marso. Sa malas, ay sa huling araw ng buwan ng Hulyo sa pagpapala ng Panginoon ako makakapagmartsa at makapagsusuot ng pinapangarap kong togang itim. Hehehe. Hindi pa kasi tapos ang laban ko para muling mapabuksan sa pamamagitang ng "tutorial class" ang "subject" na "COMP 212/211L." Pero alam kong sa pamamagitang ng matibay n paniniwala at pananampalataya sa Panginoon, alam kong maibibigay NIYA ang aking ninanais.

Hindi ko pa pala nasalaysay kung sino ang mga nakakasalamuha ko sa eskwelahang ito sa nakalipas n dalawang taon.Sa totoo lang, hindi ako gaanong nagkaroon ng masasabi kong mga barkada dito sa eskwelahang ito. Siguro ay dahil hinahanap ko ang mga naging kabarkada ko sa dati kong eskwelahan sa katauhan ng mga taong nakakasalamuha ko.At isa pa, mas pinagtuunan ko ng pansin ang pag-aaral ko sa pagnanais na makamtan ko ang aking diploma sa itinakdang panahon ng pagtatapos. Marami na akong naging mga kaklase sa ibat-ibang "section" na napuntahan ko. Halos lahat ng mga estudyante sa bawat "section" na pinupuntahan ko ay madali kong nakakapalagayan ko agad ng loob. Pagdating sa mga "groupings" ay hindi ako kailan man nahihirapan dahil agad-agad kinukuha nila ako para maging mga kasapi sa naturang grupo. Maliban lamang sa isang "section" na ito kung saan ako ay kabilang sa kasalukuyan. Ito ay ang "BSCE-5A."  Kakaiba kasi ang mga estudyante doon. Kakaiba rin ang kanilang mga pag-uugali. Halos lahat sa kanila hindi ko nakapalagayang loob. Parang mga plastik at my kanya-kanyang mundo. At kapag nakikisalamuha ang ilan sa kanila sa akin, hindi ko makita at mawari ang kanilang sinseridad at pagiging totoo sa iba lalo na sa mga bagong pasok. Pero hindi ito gaanong nakaapekto sa aking pag-aaral. Naniniwala kasi ako na panandalian ko lang naman sila makakasama. Sa mga naging guro ko, ay wala naman ako naging problema ni alalahanin dahil lahat sila ay madaling lapitan maliban lamang sa naging guro ko sa "Civil Engineering Department." Mahirap silang lapitan palibhasa nanggaling sila sa matataas na posisyon.

Sa pangkalahatan, masasabi ko na hindi ako nagsisisi sa naging paglipat ko dito. "Proud", pa nga ako dahil kinikilala ang eskwelahang ito ng mga kumpanyang mauunlad na dito sa bansa. Kamakailan lang ay nakilala ang BSU dahil sa apat na nakalahok o napabilang sa "Board Topnotchers" noong nakaraang "Civil Engineering Board Exam" noong buwan ng Nobyembre. "Proud" din ako dahil sa mga nagkakalakihang bagong gusali at istruktura na naitayo sa paaralan ito.

Ang pinakamagandang napatunayan ko sa paaralang ito ay maganda pala ang buong BSU lalong lalo na kung gabi.